Tuesday, June 15, 2004

Self-dignity & respect for others.

Kulang na kulang tayo sa ganito. Nakakahiya kasi minsan guilty rin ako.

Kagabi nagpunta kami ni Nico sa 711 sa Project 3 para bumili ng roast beef hotdogs (panalo 'to, P20 lang!). Paglabas namin isang katerbang mga batang lansangan ang sumalubong sa amin, humihingi ng pera at 'yung di ko pa naubos na hotdog sa kamay ko.

Umiling ako sa kanila, sabi ko hindi. Alam ko naman na pag binigyan ko ng barya, ipinambibili nila ng rugby, o kaya ikina-kara-krus lang nila 'yun. (Ilang tao 'yung hinihingan nila ng kung anu-ano tuwing gabi?)

Pumasok ako sa kotse (dala ni Nico kotse ng nanay niya). May maliit na bata na sumisigaw ng 'ate, bantay' sa bintana ko. Bantay? E paalis na kami. Wala pa 'ata kaming 10 minuto dun. Sabi ko hindi.

Patuloy siyang sumisigaw, at may kasamang hampas sa pinto. Napasigaw ako ng 'hoy!' (hindi mashado dinig kasi nakasara pinto at bintana). Walang epekto. Tuloy pa rin ang paghampas. Napasigaw na si Nico.

Lumabas ako, napalakas ng konti 'yung boses ko, sabi ko 'Gusto mong magbantay, pero hinahampas mo 'yung sasakyan?!?' Humindi na ako ilang beses sa kanya eh, sana igalang naman niya 'yun. Hindi naman mahirap maintindihan ang salitang 'hindi', di ba?

Isinumbong ko sa guwardiya ng 711 'yung bata. Nakaalis na rin kami, sa tulong ng pag-alalay ng isang mas malaking bata. Binigyan siya ni Nico ng barya.

Di pa nakakalayo napaiyak ako sa inis. Inis sa sarili ko, inis sa batang makulit, inis sa magulang ng mga batang lansangan, inis sa gobyerno, inis dun sa mamang tumawid sa Aurora Boulevard, kahit may mataas na island sa gitna ng kalye na nilampasan niya sa isang lukso. Nahiya ako sa ginawa ko, kahit alam ko na tama 'yun sa tingin ko at that time. Hindi ko rin kasi masisi 'yung asal nung bata. E 'yun na 'yung kinagisnan niya. Sa tingin niya karapatan ang humingi sa mayayaman. At sa tingin niya, masama akong tao.

Tinanong ako ni Nico kung gusto kong bumalik. Sabi ko ayaw ko. Baka hanapin ko lang 'yung mga magulang ng mga batang iyon at awayin ko pa.

Andali kasing gumawa ng bata, ano? Hindi natin naiisip 'yung kapakanan nila pagkatapos ng 3 taon, 15 taon, 20 taon. Hindi natin naiisip na kung ano 'yung asal natin, siyang napupulot ng nila. Alam ko may malaking pagkukulang ang pamahalaan sa lipunan, pero hindi ito dahilan para hindi natin pagsumikapan ang kapakanan ng sarili natin, ng kapwa natin. Kung gusto mong umasenso ang Pilipino, simulan mo sa sarili mo, sa pamilya mo.

Self-dignity and respect for others. Kung meron tayong lahat noon, kahit mabuhay tayo sa hirap, at least mababawasan tayo ng sakit ng ulo sa araw-araw nating pamumuhay.

***

Reality check. Kasama ako dun sa mga sinesermonan ko. *sigh*


No comments:

Post a Comment